Pagsisiyasat ng Pelikula: Heneral Luna (Babala para sa mga Spoiler)

Sino nga ba?
Sino nga ba?

Nung una, ayaw kong isulat ang pagsusuring ito dahil hindi ako ganun kakumportable gumamit ng Tagalog sa aking napiling sining. Pero hindi ko masisikmura ang manahimik lamang lalo na’t may direktor tulad ni Jerrold Tarog na naglakas-loob iusad ang pelikulang ito. Patnubayan nawa ako ng Maykapal.

Balita ko, matagal na panahon ang lumipas bago ito naipalabas. Walang nagpopondo sapagkat walang kaseguruhan na ito ay papatok sa takilya. Kung iisipin mo nga naman, sino ang gustong manuod ng isang palabas na tungkol kay Antonio Luna? Ngunit sumugal ang mga bumubuo ng produksyong ito kahit na kulang sa budget. Nang natapos ay inalok ang mga pulitiko na ito’y panuorin pero sila’y inisnab lang. Ngunit ngayong pinipilahan na ito ng mga manunuod at nauubusan ng tiket ang mga sinehan, saka sila muling lalapit upang makanuod ng libre. Buti na lang at Kristiyano ako kundi napamura na rin sana ako tulad ng heneral. Tama na siguro ang usapang pulitika. Talakayin natin ang ating opisyal na kalahok sa Oscars.

Maraming hindi nakakaalam sa mga totoong pangyayari noong tayo’y nakikidigma sa mga Amerikano. Layunin ng mga manunulat na isiwalat ang katotohanan sa pamamagitan ng pagkukuwento na may halong imahinasyon. Ang nakababatang kapatid ng pambansang alagad ng sining na si Juan Luna ay naging lider ng buong sandatahang lakas ng Pilipinas. Pagkatapos ng digmaan laban sa mga Kastila, ang Pilipinas ay hindi sigurado kung paano itatrato ang mga Amerikanong tumulong sa kanila. May mga nagmumungkahi na sila ay kaibiganin upang lumakas ang ekonomiya ng bansa. Pero hindi sang-ayon dito ang mapusok na si Heneral Luna (John Arcilla). Para sa kanya, hindi mapagkakatiwalaan ang mga banyaga. Nagkatotoo ang kanyang kutob at sumiklab ang giyera laban sa mga taga-Amerika.

Sumikat si Luna sa kanyang pagiging radikal sa pamumuno ng mga sundalo. Mahigpit niyang ipinapatupad ang aritkulo uno na nagsasaad, ‘Sa ngalan ng Republika ng Pilipinas, ang sinumang hindi sumunod sa kautusan ay tatanggalan ng ranggo, armas, at ipapapatay ng walang paglilitis sa hukumang militar’.  Sa unang bahagi ng palabas, ipinahiya niya ang isang opisyal (Ketchup Eusebio) dahil imbes na nasa labanan ay natutulog lang ito kasama ang isang hubad na babae. Ngunit kahit na ganoon ang kanyang pamamalakad, ito ay epektibo ayon na rin sa pag-amin ng Presidente Emilio Aguinaldo (Mon Confiado) at ng kanyang tagapayo na si Apolinario Mabini (Epy Quizon). Subalit nang lasunin nina Tomas Mascardo (Lorenz Martinez), Felipe Buencamino (Nonie Buencamino) at Pedro Paterno (Leo Martinez) ang isip ng pangulo tungkol sa kanyang heneral. Ang kinalabasan ay ang pagpapapatay sa kanya na hinihinalaang kagagawan ng nasa Malacanang.

Napakayaman sa komedya ng epikong ito na ihahalintulad ko sa 300 ni Zack Snyder. Ang paborito ko ay ang pagtatagpo nila ni Isabel (Mylene Dizon) na puno ng mga pananalitang may hugot (e.g. ‘Asawa mo ang giyera. Ako ang kabit.) Nakakatawa din ang mga pangyayari sa istasyon ng tren. Pero hindi iyon nakaapekto sa pagka-seryoso ng pelikula. Kung ika’y nagmamahal sa Pilipinas, masasaktan ka sa mga linya ng ating bida. At ang mas malala pa roon ay halos walang pinagkaiba ang mga isyu na kinakaharap nila noon sa mga problema natin sa lipunan ngayon. Kaya ang husay ng pagkakagawa nito ay dahil maliban sa paggunita sa kasaysayan ay sumasalamin din ito sa kasalukuyang kalagayan ng ating bansa. Ito ang unang palabas na gawang Pilipino kung saan pumapalakpak ang mga tao sa dulo.

Dahil sa kulang ang pondo, minsan ay katawa-tawa ang kinalabasan ng ilang eksena lalo na sa mga maaksiyong tagpo. Ngunit palalampasin ko ang ganitong resulta dahil ang buong produksiyon ay malaki ang agwat sa mga nagagawang pelikula ngayon ng mga naglalakihang kumpanya tulad ng Star Cinema, Viva, atbp. Sana ay napanuod nila ang handog na ito at natuto sila kahit papaano. Sa laki ng kinikita nila sa mga pelikulang halos pare-pareho lang ang takbo ng istorya, sana naman ay maisipan din nilang mangarap para sa industriya. Hindi tatalino ang panunuod ng mga Pilipino kung laging ganun na lang ang inilalabas nila. Hindi kailangang bigating artista ang gumanap na bida at kontrabida. Hindi tama na pera ang motibo mo sa paggawa ng pelikula dahil naniniwala akong walang direktor na iyon ang adhikain nang sila’y magsimula.

Sa pagwawakas, nais ko lang magparating ng mensahe sa aking mga kababayan. Hindi ko alam kung ito’y aabot sa mga dapat makarinig. Pero kung mangyari iyon, gusto kong malaman natin na mayroon tayong magagawa para iangat ang antas ng kabuhayan dito sa Pilipinas. Hindi mo kailangang gumawa ng pelikula tulad ng ginawa ni Jerrold. Sa sarili mong paraan ay may maitutulong ka. Huwag tayo maging kalaban ng sariling bayan sa pag-unlad nito. Sana ay tayo ang maging dahilan kapag ang bayan ay nanumbalik sa pagiging Perlas ng Silanganan. Alam kong gasgas na pero, ‘Nasa Diyos ang awa, nasa tao ang gawa.’

Advertisements

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s